Ibinida ng Provincial Government ng Isabela ang mga proyekto at programa sa isinagawang Isabela Tourism and Investment Plan forum kasama ang mga bumisitang Diplomat at Ambassadors sa lungsod ng Ilagan.
Pinangunahan ni Atty. Paul Uy, ang Provincial Economic Development and Investment Promotions Officer, ang presentasyon ng mga proyekto, programa at aktibidad ng lalawigan ng Isabela upang mapataas ang antas ng turismo sa lalawigan.
Sa pangunguna ni Governor Rodito Albano at Vice Governor Bojie Dy III, kasama sa mga nakahanay na plano ng Provincial Government ang rehabilitasyon ng mga paliparan at air strips para mapataas ang flight availability papasok at palabas ng lalawigan.
Kasama rin sa plano ang pagsasaayos ng mga kalsada lalo na sa patungong coastal municipalities, modernisasyon sa mga seaports, adaptation ng tourism transport route, familiarization sa tours and tourism circuits, enactment ng Provincial Tourism Code, Culture Mapping at partisipasyon sa International at Local Trade Fairs.
Ibinida rin ni Atty. Uy sa mga bumisitang diplomats at ambassadors mula sa ibat ibang bansa ang ibat ibang pook pasyalan sa lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay VGov. Bojie Dy III, inaasahan nilang mas lalago pa ang ekonomiya ng Isabela sa pagbisita ng mga ambassadors sa lalawigan.
Bilang bahagi ng forum ng Diplomatic Corps, Department of Foreign Affairs at mga lokal na opisyal ng Isabela, pinasalamatan ni ASec. Arvin De Leon ng DFA si Gov. Albano at VGov. Dy sa mainit na pagtanggap sa mga ambassadors sa lalawigan.
Pinasalamatan din niya ang mga lider ng Lalawigan sa pagpapalawak sa foreign policy sa Isabela.
Ito aniya ang pinakamalaking delegasyon ng ambassadors na bumisita sa isang pagtitipon bilang bahagi ng kanilang familirization tour kung saan ang una nilang pinuntahan ay sa Dagupan City Pangasinan, Negros Occidental at Zamboanga City.
Pinasalamatan din niya ang Isabela State University sa kauna-unahang DFA Caravan sa bansa na dinaluhan ng apat na libong mag-aaral.