CAUAYAN CITY – Sa ikalawang pagkakataon ay isinailalim sa state of calamity ang Isabela dahil sa malaking pinsala sa mga pananim at ari-arian ng bagyong Rosita.
Unang idineklara ang state of calamity sa lalawigan matapos ang pagtama ng bagyong Ompong noong ikalabinlima ng Setyembe 2018. Umabot sa 8.8 billion pesos ang halaga ng pinsala sa agrikultura ng magkasunod na bagyo na tumama sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Romeo Santos, media consultant ng Pamahalaang Panlalawigan, ang pagsailalim sa state of calamity sa Isabela ay inihayag mismo ni Provincial Administrator Noel Lopez sa flag raising ceremony kaninang umaga sa provincial capitol.
Inihayag aniya ni Atty. Lopez na sa kabila ng limitadong pondo ng pamahalaang panlalawigan ay naghanap ang Sangguniang Panlalawigan ng mga pamamaraan upang makalikom ng 400 million pesos na ibibigay na financial assistance at iba pang uri ng tulong sa mga labis na naapektuhan ng magkasunod na dalawang bagyo.
Inatasan si Provincial Social Welfare Development Officer Lucila Ambatali na magsagawa na ng validation para malaman kung sino ang dapat na mabigyan ng tulong .
Sa buwan ng Disyembre inaasahang matapos ang validation ng DSWD para maibigay ang tulong sa mga dapat na mabigyan.