--Ads--

CAUAYAN CITY- Pinoproblema ngayon ng mga mango growers ang mataas na supply at mababang presyo ng mangga sa lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Salcedo “Saldy” Foronda ang Chairman ng Queen Isabela Mango Producers Cooperative kanyang sinabi na malaki ang naging pagbaba ng farm gate price sa mangga.

Aniya mula sa dating bili na naglalaro sa isang daang piso kada kilo noong nakaraang buwan ay halos nasa dalawampung piso kada kilo na ito ngayon depende pa sa klase.

Hindi na din umano nabibili ang mga maliliit na mangga at naging problema din ang pagtigil sa pagbili ng mga buyer noong nakaraang linggo.

--Ads--

Upang matulungan ang mga mango growers ay nakikipag-ugnayan na umano ang kooperatiba sa mga buyers na mula sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Samantala inaasahan namang magpapatuloy pa rin ang problema ng mga mango growers dahil marami pa ding nag-aani ng mangga ngayong buwan.

Ang solusyon umano sa problema ay ang pagkakaroon ng processing plant na makakahalaga ng limampong million piso para sa mangga sa Isabela upang maibenta ang mga ito at hindi masira.

Ikinonsidera naman umano ito ng Department of Agriculture, lalo’t ang Isabela umano ang isa sa may pinakamaraming mangga sa buong bansa.

Una na ring napaulat sa Bombo Radyo na tone-toneladang manga ang napilitan nalang na itapon ng ilang magsasaka dahil sa oversupply at pagkasira habang ang iba ay ibinibigay nalang sa kabarangay.