CAUAYAN CITY – Nakapagtala ang Isabela ng dalawang nasawi sanhi ng Coronavirus Disease (COVID-19)
Ang mga namatay ay mula sa Cauayan City at Delfin Albano, Isabela.
Hindi isasailalim sa lockdown ang Cauayan District Hospital (COVID-19) matapos bawian ng buhay ang isang nagpositibo sa COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Herrison Alejandro, chief of hospital ng CDH na si CV1805, 50 anyos na lalaki na namatay sa ospital na residente ng Purok 5, Turayong Cauayan City ay may iniiindang diabetes at kidney disease at na-admit noong iika-30 ng Setyembre 2020 dahil sa hirap sa paghinga.
Walang kasaysayan ng paglalakbay ang pasyente ngunit dahil may naunang nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang barangay kaya itinuring siyang suspect case at inilagay sa isolation room ng CDH.
Isinailalim sa swab test ang pasyente noong October 1, 2020 ngunit binawian ng buhay noong October 3, 2020 at lumabas ang resulta na positibo sa virus noong October 4, 2020.
Si CV1805 ay na-diagnose na mataas ang creatinine na umaabot sa 1,800 at kailangang agad na sumailalim sa emergency dialysis.
Sinabi ni Dr. Alejandro na patuloy ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasyente at inumpisahan sa kanyang maybahay na nagbantay sa kanya sa CDH.
Sinabi pa ni Dr. Alejandro na ang mga health workers na direct contact ng naunang tatlong positibo sa COVID-19 ay pawang nagnegatibo sa swab test.
Samantala, naitala sa Delfin Albano, Isabela ang kauna-unahang mortality dahil sa COVID 19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glen Matthew Baggao, medical Center chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), sinabi niya na ang nasawing pasyente ay may comorbidities.
Ang nasawi ay si CV1713, 32 anyos na lalaki mula sa Ragan Almacen, Delfin ALbano Isabela.
Siya ay may critical pnuemonia, hypertension, cardiovascular disease, tubercolosis, hepatitis at pancreatitis na hinihinalang dahilan ng pababa ng kanyang immune system kaya siya kinapitan ng COVID-19.












