--Ads--

CAUAYAN CITY – Pangunahing pinagtuunan ng pansin ng mga aktibidad ng Population Commission o PopCom Region 2 ngayong buwan ang tungkol sa mga isyung kinakaharap ng mga kabataan tulad ng teenage pregnancy at family planning.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Herita Macarubbo ng PopCom, sinabi niya na mas marami silang isinagawang programa ngayong pandemya kaysa noong normal pa lamang ang sitwasyon at karamihan sa mga aktibidad ay isinagawa sa virtual o online platform bilang pag iingat sa virus.

Sa kanilang pagsasagawa ng dayalogo sa pagdiriwang ng linggo ng kabataan ay naipabatid nila sa mga kabataan ang sitwasyon ng teenage pregnancy sa Rehiyon.

Ayon kay Regional Director Macarubbo pinakamaraming bilang ng mga kabataang nabuntis ng maaga ay galing sa lalawigan ng Isabela.

--Ads--

Ang teenage pregnaNcy rate ng Isabela noong 2016 ay 3.24% at naging 2.3% na nitong taong 2020 samantalang ang datos ng Rehiyon ay umabot sa 2.85% noong 2016 at bumaba sa 1.85% noong 2020.

Nanawagan ang PopCom Region 2 sa mga kabataan na magpokus sa pag aaral para sa kanilang kinabukasan.

Ayon kay Regional Director Macarubbo karaniwang dahilan ng mga kabataan kung bakit sila maagang nakikipagrelasyon at nabubuntis ay dahil sa kahirapan, kawalan ng gabay ng magulang kaya naghahanap sila  ng pagmamahal sa labas ng bahay habang ang iba naman ay nagiging biktima ng sexual abuse.

Aniya isa ring dahilan ang peer pressure sa maagang pakikipagrelasyon ng mga kabataan at maging ang social media dahil dito na umiikot ang kanilang pang araw araw na gawain.

Batay sa datos ng PopCom marami sa mga kabataan ang naitalang mas matanda ang kanilang mga partner o ang nakabuntis sa kanila at maaaring ito ay dahil sa nakaranas sila ng sexual coercion habang ang iba naman ay kulang sa kaalaman sa kanilang sexuality at reproductive health.

Sa mga isinagawang dayalogo ng PopCom Region 2 sa mga kabataan ay naipaalam ang mga maaaring makuhang sakit ng mga ito tulad ng mga sexually transmitted diseases kapag sila ay maagang nakikipagtalik at hindi nagpapraktis ng safe sex.

Ang bahagi ng pahayag ni Regional Director Herita Macarubbo ng PopCom Region 2.