CAUAYAN CITY- Iginiit ng Isabela Police Provincial Office na walang naiuulat sa kanilang tanggapan na mga nawawalang indibidwal sa lalawigan ng Isabela.
Ito ay matapos kumalat sa social media ang mga larawan ng mga humihingi ng tulong upang mahanap ang kanilang nawawalang kaanak.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCOL Lee Allen Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, sinabi niya na simula noong maupo siya bilang Provincial Director ng Police Provincial Office ng Isabela ay isa pa lamang ang naiuulat na nawawalang indibidwal sa kanilang himpilan.
Ito aniya ay ang naipaulat na nawawalang lalaki sa Echague, Isabela na walang tigil umano nilang hinanap hanggang sa napag-alaman na tinakasan niya lamang ang kaniyang responsibilidad.
Ayon pa kay PCOL Bauding, kahit pa man nagkalat sa social media pagkawala ng mga indibidwal ay hindi nila agad ito matutugunan kung hangga’t hindi ito idinudulog sa kanilang himpilan.
Isa naman sa mga tinitignan nilang dahilan kung bakit nawawala ang ilang mga indibidwal ay dahil sa sarili din umano nilang kagustuhan kagaya na lamang ng paglalayas.
Tiniyak naman niya na hindi sila titigil sa pagbabantay sa lalawigan ng Isabela at kung sakali man aniya na may mga naipapaulat na nawawalang mga indibidwala ay agad naman nila itong iimbestigahan.