CAUAYAN CITY – Pinaghahandaan na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang posibleng maging epekto ng La Niña sa lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III, sinabi niya na isa sa kanilang mga tututukan ay ang dredging ng mga canals at creek maging sa Cagayan River upang maiwasan ang matinding pagbaha.
Importante aniya na matanggal ang mga basura sa ilog at creeks dahil ito ang pangunahing sanhi sa pagbaha.
Tututukan din nila ang Abuan River sa Lungsod ng Ilagan na upang hindi na maulit ang nagyaring pag-apaw ng tubig kamakailan lalo na kapag naramdaman na ang La Niña.
Samantala, pinag-aaralan pa ng Pamahalaang panlalawigan ang pagdedeklara ng State of Calamity kaugnay sa epekto ng El Niño sa Isabela at inaantay na lamang ang datos mula sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Council.
Aniya, kahit walang state of calamity ay maaabutan pa rin ng tulong ang mga apektadong magsasaka.