--Ads--

Dinomina ng Lalawigan ng Isabela ang husay nito sa larangan ng turismo matapos itong mag-uwi ng maraming parangal sa Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP) Pearl Awards 2025 na ginanap sa Lungsod ng Baguio.

Pinarangalan ang Isabela bilang Grand Winner para sa Best Tourism Month Celebration, habang nakuha rin nito ang First Runner-Up sa Best Tourism Event sa pamamagitan ng internationally acclaimed Bambanti Festival.

Bukod pa rito, nakamit din ng lalawigan ang Second Runner-Up sa dalawang kategorya — Best Practice in Sustainable Tourism at Best Practices in Community-Based Tourism — bilang pagkilala sa kanilang mga inisyatibo sa makakalikasan at inklusibong turismo.

Hindi rin nagpahuli ang Lungsod ng Ilagan, kung saan itinanghal na Grand Winner si City Tourism Officer Ma. Cristina R. Simon bilang Best Tourism Officer sa Component City Category, dahil sa kanyang pamumuno at ambag sa lokal na turismo.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Toursim Officer Simon, sinabi niya na hakot award din ang City of Ilagan dahil tinanghal ang Lunsod bilang Second Runner-Up sa Best Sports Tourism Event at Best Tourism Month Celebration.

Aniya, sa ngayon ay mayroon na silang Tourism Circuit “Authenticity of Ilagan” na ang layunin ay maging sistematiko at maayos ang pamamasyal ng mga turista sa Lunsod.

Batay sa kanilang talaan noong 2024 nangunguna ang City of Ilagan sa dami ng Tourist Arrival at ang Most visited tourist Destination ay ang Abuan River eco- tourism park at Japanese Tunnel sa Ilagan Sanctuary.

Samantala, ang Lungsod ng Cauayan ay nag-uwi rin ng dalawang malaking parangal: Grand Winner para sa Best Souvenir at Grand Winner sa Best Event Hosting (International Event)

Ang ATOP Pearl Awards ay taunang pagkilala sa mga natatanging gawain, programa, at personalidad sa larangan ng turismo sa buong bansa.