CAUAYAN CITY – Namahagi ng bigas ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa mga personnel ng Isabela Police Provincial Office o IPPO.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Rodito Albano, sinabi niya na aabot sa 2,692 police officers ng IPPO kabilang ang 261 na naiwang pamilya ng mga fallen police officers ang nabigyan ng sampung kilong bigas.
Pinangunahan kahapon ng gobernador ang turnover ng Rice Subsidy sa IPPO Personnel sa IPPO Grandstand, Baligatan, City of Ilagan, Isabela.
Inihayag ni Gov. Albano na umaasa siyang ma-institutionalize ang distribution ng rice subsidy para kahit hindi na siya ang gobernador ng Isabela ay magpapatuloy pa rin ang pamamahagi sa mga pulis na nagpapanatili ng kapayapaan at katiwasayan ng lalawigan.
Ang rice subsidy na ito ay buwan-buwan na ipapamahagi ng pamahalaang panlalawigan at umaasa si Gov. Albano na sa susunod na taon ay madagdagan ang ibibigay na bigas sa mga pulis at mga naiwang pamilya ng mga pulis na namatay para sa bayan.
Tiniyak din niya ang scholarship grants sa mga naiwang apo o pamangkin ng mga pulis na kasalukuyang nag-aaral.