Puspusan ang ginagawang paghahanda ng Pamahalaang panlalawigan ng Isabela para sa pagdiriwang ng Bambanti Festival ngayong 2025.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Spokesperson Exiquel Quilang, sinabi niya na ang pagdiriwang ng naturang piyesta ay isang pagpupugay para sa mga magsasakang Isabeleño na nagbigay ng malaking ambag sa pagpapataas ng antas ng agrikultura sa lalawigan.
Ito ay magsisimula sa ika-19 ng Enero na magtatagal hanggang ika-25 ng Enero taong kasalukuyan.
Sisimulan ang unang araw ng Bambanti Festival sa pamamagitan ng isang Misa sa St. Michael Cathedral, 3km Fun Run at Isabela Got Talent.
Magkakaroon din ng Isabela Bambanti Grand Concert at Music Festival na gaganapin sa Queen Isabela Park.
Hindi naman nawawala sa taunang pista ang Bambanti Village, Agri-Eco Toursim Exhibit, Search for Queen Isabela, Makan ken Mainum, Street Dance and showdown parade at iba pa.
Sa pagdiriwang ng Bambanti Festival ngayong 2025 ay target ng pamahalang panlalawigan na ipakita sa buong mundo ang mga ipinagmamalaking yaman ng Isabela pagdating sa produkto at kultura lalo na at inaasahang makikiisa rin ilang mga Ambassador ng iba’t ibang mga bansa.