CAUAYAN CITY – Nakahanda na ang Isabela Provincial Highway Patrol Unit 2 sa deployment ng kanilang personnel para sa nalalapit na Undas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rey Sales, Team Leader ng Isabela Provincial Highway Patrol Unit 2, sinabi niya na magtatalaga sila ng personnel sa mga strategic areas kagaya na lamang ng mga terminals kung saan dadagsa ang mga galing sa kalakhang Maynila.
Babantayan din nila ang mga pambansang lansangan na patungo sa mga sementeryo sa lalawigan kagaya na lamang sa Brgy Tagaran at San Fermin Cauayan City at bayan ng Echague upang mapanatili ang maluwag na daloy ng trapiko.
Titiyakin ng kanilang hanay na walang mangyayaring nakawan ng motorsiklo lalo na at ito ang kadalasang service ng mga magtutungo sa mga sementeryo sa tulong na rin ng kanilang mga force multipliers.
Magsasagawa rin sila ng inspection sa mga Public Utility Vehicle upang matiyak ang road worthiness ng mga ito sa pagbaybay sa mga kakalsadahan at masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.
Kung makitaan naman ng violation ang tsuper ng mga sasakyan sa kanilang inspeksyon ay bibigyan nila ito ng kaukulang ticket dahil deputized naman ng LTO ang kanilang mga personnel.