--Ads--

CAUAYAN CITY – Ilulunsad ng Provincial Tourism Office ng Isabela ang isang virtual exhibit ng watawat ng Pilipinas bilang pakikiisa sa paggunita ng National Flag Day ngayong araw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Troy Alexander Miano, Provincial Tourism Officer ng lalawigan ng Isabela, sinabi niya na dahil sa kasalukuyang pandemya ay ilulunsad nila ang kanilang virtual exhibit gamit ang social media tungkol sa National Flag Day.

Layunin nitong maipakita sa publiko ang iba’t ibang watawat ng Pilipinas hanggang sa nabuo ang ginagamit na ngayon ng bansa.

Bilang empliyado ng Pamahalaan ay sila dapat ang manguna at magpamulat sa mga mamamayan na pahalagahan ang watawat ng Pilipinas kaya minabuti ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na taun-taon ay gunitaan ang National Flag day.

--Ads--

Ayon pa kay Dr. Miano, bagamat naging malaki ang papel ng Department of Educatiob kaya mayorya ng mga Pilipino ang  nakakaalam ng kulay at simbolo ng watawat ng Pilipinas ay iilan lamang naman ang nakakaalam na tuwing May 28 ay ginugunita ang National Flag Day na bahagi ng dalawang linggong paghahanda sa nalalapit na kasarinlan ng Pilipinas sa June 12.

Aniya, ang May 28 ang unang beses na iwinagayway ang bandila ng Pilipinas sa Imus, Cavite noong 1898 matapos ang madugong digmaan.

Nagpapakita ito ng pagkakaisa ng Las Isla Filipinas at ito ang kumakatawang simbolo ng buong Pilipinas.

Dahil mahalaga ang ginampanan at pinagmulan ng watawat ng Pilipinas ay nagpasya ang mga lider ng bansa na maglaan ng isang araw na gugunita sa national flag day.

Tuwing nahaharap sa hamon ang bansa ay ang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas sa West Philippine Sea ang isa sa pinakamagandang instrumento upang ipakita ang soberanya ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Inilalarawan nito ang katapangan ng mga Pilipino at ipinapakita sa pamamagitan ng pagkakaisa na ilang beses ng nasaksihan sa lahat ng panahon.

Tinig ni Dr. Troy Alexander Miano.