--Ads--

CAUAYAN CITY – Naaalarma na ang Provincial Veterenary Office ng Isabela  sa pagkakaroon ng mga kaso ng rabies sa hayop at tao sa lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Belina Barbosa, Provincial Veterenary Officer ng lalawigan ng Isabela na mula Enero ngayong taon ay nakapagtala na sila ng apat na kaso sa aso na mula sa Roxas, Quezon, Alicia at Aurora habang may tatlo naman sa tao na mula sa Quirino, lunsod ng Ilagan at Sto. Tomas.

Aniya, ang tatlong tao na kaso ay namatay at ang nakikita nilang dahilan ay ayaw magpabakuna dahil hindi naniniwala na nakakamatay ang rabies o di kaya sa halip na sa doktor pumunta ay nagpatandok nalang na mahigpit na tinututulan ng mga kinaukulan dahil hindi ito nakakagamot.

Payo nila sa mga tao na napakahalaga na magpabakuna agad kapag nakagat ng aso.

--Ads--

Ayon kay Dr. Barbosa, dati nang maraming kaso ng rabies sa tao pero bumaba dahil sa puspusan nilang pagbabakuna at nang hindi sila nakapagbakuna ng ilang taon dahil sa pandemya ay tumataas muli ang naitatala nilang kaso.

Kaugnay nito, dahil sa Rabies Awareness Month ngayong buwan ng Marso ay nagsasagawa sila ng mass rabies vaccination at awareness seminar.

Sa kanilang vaccination program ay napuntahan na nila ang Cordon, Ramon, Sta. Maria at Gamu at nakatakda naman nilang puntahan ang lunsod ng Cauayan at bayan ng Tumauini sa mga susunod na araw.

May nabakunahan na aniya silang halos 11,000 aso at ang puntirya nilang ngayong taon ay 81,000 aso.

Ayon kay Dr. Barbosa, patuloy ang kanilang vaccination program pero dahil ipinagdiriwang ngayong buwan ng Marso ang Rabies Awareness Month ay nakasentro dito ang kanilang mga aktibidad.

Karamihan naman sa mga hindi nababakunahan na aso ay mga hindi nakatali at mahirap hulihin.

Dapat aniya, 70% hanggang 80% ng mga aso sa isang lugar ang mabakunahan para matiyak na ligtas na ang isang lugar sa rabies.

Nakiusap sila sa mga may alagang aso na pabakunahan ito para protektado sila at ang mga tao.

Araw-araw aniyang isinagawa ang vaccination sa tanggapan ng Department of Agriculture sa mga munisipalidad kaya dalhin lamang doon ang kanilang mga alaga kapag wala pang schedule sa kanilang barangay.

Itali rin ang kanilang mga aso para maiwasan na makagat ng aso na infected ng virus.

Tinig ni Dr. Belina Barbosa.