--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan ang isang residente sa mga namamatayan ng alagang baboy sa Benito Soliven, Isabela na huwag basta-basta itapon ang mga ito sa ilog at iba pang lugar dahil malaki ang epekto nito sa komunidad pangunahin na sa kalusugan ng mga tao.

Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan si Samson Cadiz, residente ng Benito Soliven, Isabela upang ireklamo ang mga nagtapon ng namatay na baboy sa sapa na malapit sa kanilang bahay.

Nangamba sila dahil kumakalat ang African Swine Fever (ASF) at malaking perwisyo rin sa mga residente dahil sa masangsang na amoy na dulot nito.

Aniya, mapanganib din ito sa kalusugan lalo na at sa sapa itinapon ang namatay na hayop kung saan maraming dumadaan.

--Ads--

Bagamat natanggal na ang nasabing hayop sa sapa ay nanawagan siya sa mga namatayan ng alagang hayop na ihukay na lamang ang mga ito at huwag basta itapon sa sapa o ilog dahil maaaring mas malaking problema pa ang idulot nito hindi lamang sa kanila kundi maging sa mga residenteng laging nagtutungo sa ilog.

Tinig ni Samson Cadiz, residente ng Benito Soliven, Isabela.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Belina Barbosa, Provincial Veterinary Officer ng Isabela, sinabi niya na dapat lamang na ihukay ang mga namamatay na alagang hayop upang hindi magdulot ng problema sa mga mamamayan.

Mas lalo na kapag namatay ang mga ito dahil sa sakit dahil maaring mahawa ang mga tao.

Aniya, dapat ay lampas tao o 6ft ang lalim ng paghuhukayan sa mga ito upang hindi kumalat ang sakit.

Kailangan ding magdis-infect ang mga nagkaroon ng kontak sa mga namatay  na baboy upang hindi maging carrier ng virus at hindi makahawa sa ibang baboy.

May executive order na aniyang nagbabawal sa pagtatapon ng namatay na hayop sa mga ilog at may karampatang parusa ang lalabag dito.

Matapos nilang malaman ang impormasyon ng pagtatapon ng patay na baboy sa isang sapa sa bayan ng Benito Soliven ay agad silang nakipag-ugnayan sa barangay at nalaman na na-isolate na ang naturang lugar subalit hindi pa matukoy kung sino ang nagtapon.

Mabuti na lamang aniya at agad na inilibing ang nasabing baboy upang hindi na magdulot pa ng mas malaking problema.

Tinig ni Dr. Belina Barbosa.