
CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Provincial Information Office na hindi magsasara ang Provincial Capitol ng Isabela sa kabila ng pagpositibo sa COVID-19 ng ilang pinuno at kawani.
May 10 aktibong kaso na kawani ng Provincial Treasurer’s Office habang apat sa Provincial Information Office, tatlo sa Isabela Governor’s Office, dalawa sa Provincial Budget Office, dalawa sa Human Resource Office at ilan pang kawani ng Provincial Tourism Office.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag na nanatiling bukas ang Panlalawigang Kapitolyo sa pagbibigay serbisyo para sa mga mamamayang may mahalagang transaksyon sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan.
Sinabi niya na may skeletal force sa mga tanggapan na nakapagtala ng kaso ang mag-aasikaso sa mga mamamayan na may transaction.
Ayon kay Atty. Binag, naka-quarantine na ang mga kawani at pinuno na kinapitan ng virus gayundin ang kanilang mga natukoy na nakasalamuha sa isinagawang contact tracing.
Sa layuning matiyak na ligtas sa virus ang mga magtutungo sa Panlalawigang Kapitolyo ay regular ang isinasagawang disinfection.
Tiniyak ng pamahalaang panlalawigan na magbibigay ng ayuda at mga bitamina sa mga apektadong pinuno at kawani.










