--Ads--

CAUAYAN CITY – Binigyan ng pagkilala ng Provincial Public Safety Office ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa mabuting pamamahala sa Isabela Special Motor Action Response Team (ISMART).

Ang ISMART ay mga miyembro ng IPPO na nagtutungo sa iba’t ibang bayan at lunsod sa Isabela para hulihin ang mga nagmamaneho ng motorsiklo na hindi nakasuot ng helmet, walang driver’s license at walang rehistro ang motorsiklo.

Ito ay alinsunod sa Executive Order (EO) 18 na ipinalabas noon ni dating Gov. Faustino “Bojie” Dy III para mabawasan ang mga aksidente sa daan na kinasasangkutan ng mga motorcycle riders.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante Foronda, provincial public safety officer ng pamahalaang panlalawigan, sinabi niya na dahil sa pinaigting na pagpapatupad ng ISMART sa Executive Order 18 ay bumaba ang mga aksidente sa daan sa lalawigan.

--Ads--

Aniya, matapos na makapagsanay at maitalaga ang mga ISMART ay bumaba ang mga naitalang aksidente sa daan sa Isabela habang tumaas naman ang collection ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa mga multa na ipinataw sa mga paglabag sa batas sa lansangan ng mga nahuling tsuper ng motorsiklo.

Samantala, nangunguna pa rin ang kaso ng walang helmet sa mga nahuhuli ng ISMART Riders, ikalawa ang kawalan ng rehistro ng motorsiklo at ikatlo ang kawalan ng lisensiya ng driver.

Batay sa talaan ng LTO, umabot na sa 32.6 million na halaga ng citation tickets ang kanilang na-issue sa buong lalawigan mula Nobyembre 2018 hanggang ng Hulyo 2019.

Kaugnay nito ay hiniling ng IPPO sa pamahalaan na gumawa ng guidelines sa pamamagitan ng LTO na ang bahagi ng collection ay maibigay sa ISMART upang matustusan ang kanilang operasyon.

Nakatakda ring tutukan ng ISMART Riders ang mga mag-aaral o menor de edad na nagmamaneho nang walang lisensiya patungo sa kanilang mga eskwelahan.

Inamin ni Atty. Foronda na hindi nila ito natututukan sa ngayon dahil ito ay nangyayari sa mga lugar na hindi naaabot ng mga kasapi ng ISMART.

Kaugnay nito ay nagsagawa ng survey ang Department of Education (DepEd) Division Offices sa Isabela upang matukoy ang bilang ng mga mag-aaral na pumapasok na gumagamit ng motorsiklo at walang lisensiya.

Payo ni Atty. Foronda sa mga magulang na mas mainam na bilhan ng bisikleta ang kanilang mga anak dahil mas ligtas ito kumpara sa motorsiklo.

Magpapalabas din sila ng mga pabatid sa mga kaso na puwedeng kaharapin ng mga magulang na pinahihintulutan ang kanilang mga anak na menor de edad na gumamit ng motorsiklo.

Ang tinig ni Atty. Constante Foronda