--Ads--

CAUAYAN CITY – Isinailalim sa apat na araw na lockdown simula ngayong Huwebes, May 25,2023 hanggang sa Linggo, May 28, 2023 ang Isabela State University (ISU) Cauayan City campus matapos na magpositibo sa COVID-19 ang apat na faculty members.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Ricmar Aquino, presidente ng ISU System na layunin ng hakbang na mahadlangan ang pagkalat ng COVID-19.

Ang mga estudiyante ay sasailalim muna sa online classes habang may skeleton force sa mga opisina ng unibersidad para tuluy-tuloy ang kanilang operasyon.

Ayon kay Dr. Aquino, pinaigting nila ang pagpapatupad ng mga health protocol sa mga ISU campuses sa iba’t ibang bayan at lunsod sa Isabela tulad ng pagsusuot ng face mask at pag-obserba sa social distancing.

--Ads--

Sa lahat ng ISU campuses sa Isabela ay ang ISU Cauayan City campus lamang ang may mga kaso ng COVID-19.