--Ads--

CAUAYAN CITY – Sarado ang daan papasok sa region 2 dahil sa nangyaring landslide kaninang alas-10:56 ng umaga sa Dalton Pass, Sta. Fe, Nueva Vizcaya dulot  ng  malakas na hangin at ulan na dala ng bagyong Rosita.

Patuloy ang clearing operation ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nasabing lugar para makadaan ang mga na-stranded na sasakyan papasok sa Region 2 at palabas patungong Metro Manila.

Zero casualty o walang naitalang nasawi o nasugatan sa Dinapigue, Isabela kung saan nag-landfall ang bagyong Rosita bagamat maraming bahay ang nagtamo ng mga pinsala dahil sa malakas na hangin at ulan na dala ng bagyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Administrator Noel Lopez na kahit malakas ang hangin at ulan ay zero casualty sa Isabela hanggang ngayon dahil sa maagang paglikas ng mga mamamayan lalo na ang mga residente sa mga coastal towns ng lalawigan.

--Ads--

Patuloy pa ang monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) para malaman ang lawak ng pinsalang dulot ng bagyo sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Isabela.

Bukod sa mga bahay na gawa sa mga light materials ay marami ring paaralan ang napinsala ang bubungan dahil sa malakas na hangin.

Agad na nagsagawa ng clearing operation ang mga tauhan ng PDRRMC para maalis sa national highway ang mga natumbang puno ng kahoy at mga nasirang sign boards sa mga bahay kalakal.

Nagsasagawa na rin ng assessment ang mga electric cooperative para malaman ang pinsalang dulot ng bagyo sa mga linya ng koryente.

Nawala kagabi ang daloy ng koryente sa kasagsagan ng bagyo.

Samantala, dumating sa Isabela kahapon si DSWD Secretary Rolando Bautista at mahigpit ang ginagawang monitoring sa relief operation lalo na ang mga nasa evacuation centers.

Sa kabuuan ay umabot sa 4,133 families o 13,614 na individual ang lumikas sa mga evacuation centers sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Isabela.