--Ads--

CAUAYAN CITY – Magsisimula na bukas ang Pilot Episode o ang 1st weekly competition ng Isabela’s Got Talent na gaganapin sa Provincial Capitol ng Isabela sa Lungsod ng Ilagan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joanne Dy Maranan, Isabela Provincial Tourism Officer, sinabi niya na sa pagsisimula ng nasabing patimpalak ay sampung contenders mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ang magpapaligsahan ng talento.

Ang mga ito ay mula sa bayan ng Roxas, Alicia, Mallig, San Mateo at sa Lungsod ng Cauayan at Ilagan kung saan mayorya sa mga ito ay mga mang-aawit.

Paglilinaw naman niya na ang Isabela’s Got Talent ay bukas sa kahit na anong talento at dapat ang edad ay nasa 8-65 years old.

--Ads--

Kinakailangan lang aniyang magsumite ng Sample Video sa Isabela Tourism Office para magkaroon ng tiyansa na mapabilang sa mga contenders sa mga susunod na weekly Competition.

Sa bawat episode ng naturang patimpalak ay mayroong tatlong uupong hurado kung saan isa sa mga ito ang resident judge habang mapapalitan naman kada buwan ang dalawang iba pa.

Ang mga mananalo sa weekly competition ay mag-uuwi ng sampung libong piso habang isandaang libong piso naman ang premyo ng tatanghaling grand winner.

Inanyayahan naman niya ang lahat na manood at makiisa sa pagsisimula ng Isabela Got Talent pangunahin na ang mga talentadong Isabeleno na nais magpamalas ng kanilang talento.