
CAUAYAN CITY – Isang sunog ang naganap sa isang abandonadong bodega sa bayan ng Naguilian kagabi.
Nakatanggap ng tawag ang BFP Naguilian sa isang concerned citizen sa oras na alas singko trenta ng hapon tungkol sa nagaganap na sunog sa isang abandonadong bodega sa Brgy. Palattao na agad na agad naman nilang nirespondehan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer 1 Eliseo Cabasal ng BFP Naguilian sinabi niya na karamihang laman ng nasabing bodega ang mga stockpile ng karton at plastic kaya makapal at maitim ang usok.
Dahil dito ay bahagyang nahirapan ang mga rumespondeng kasapi ng Bureau of Fire Protection o BFP.
Sa pagtutulungan ng BFP Cauayan City, Reina Mercedes, Benito Soliven at fire volunteers mula sa lunsod ng Ilagan at Cauayan ay idineklarang fireout ang sunog alas syete na ng gabi dahil umabot sa 2nd alarm ang sunog dahil sa kalat kalat ng mga plastic.
Gawa sa kahoy ang compartment ng bodega at mayroong insulator sa itaas kaya madaling kumalat ang apoy.
Ayon kay SFO1 Cabasal unang tumawag ang caller at sinabing may sunog sa nasabing bodega ngunit nang puntahan ng mga kasapi ng BFP ang lugar ay wala namang nangyayaring sunog.
Sa pangalawang beses na tawag ng caller ay mayroon nang nagaganap na sunog sa nasabi ring lugar.
Isa naman sa tinitingnang rason ng BFP ang kawalan ng magandang ventilation sa loob ng bodega kaya maaaring nagkaroon ng heat reaction at nagdulot ng sunog.
Patuloy na inaalam ng BFP ang kabuuang halaga ng mga nasunog sa nasabing bodega maging ang caller na dalawang beses na tumawag sa kanilang tanggapan upang ireport ang nasabing sunog.










