CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang ama na paulit-ulit na nanggahasa sa kanyang menor de edad na anak sa Jones, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Felixberto Lelina, hepe ng Jones Police Station na isinampa nila ang kasong 4 counts of rape sa akusado noong Nobyembre, 2023.
Ito ay matapos na dalhin sa kanilang himpilan ang biktima na 13-anyos na anak mismo ng akusado.
Ayon kay PMaj. Lelina, hiwalay na ang akusado at ang kanyang asawa at naiwan sa kanya ang dalawa nilang anak kabilang na ang biktima.
Dahil aniya sa sunud-sunod na panghahalay sa biktima ng kanyang ama ay nagsumbong siya sa kanilang mga kamag-anak at sinamahan naman siya na pumunta sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Dinala ang biktima sa kanilang himpilan at nagsagawa naman sila ng masusing imbestigasyon.
Ayon pa kay PMaj. Lelina, malayong barangay ang lugar ng mga sangkot at wala silang masyadong kapitbahay.
Aniya, pangatlo na ito na naisampa nilang kaso ng rape.
Payo nila sa mga kababaihan na nakakaranas ng mga ganitong sitwasyon na agad dumulog sa mga himpilan ng pulisya para mabigyan agad ng aksyon.
Nagsasagawa rin sila ng pagpupulong sa kalalakihan para ipaalam ang maari nilang kaharaping kaso kapag ginawa nila ito at nang magkaroon sila ng takot na masangkot sa mga ganitong klaseng krimen.
Tinig ni PMaj. Felixberto Lelina.