--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagpaalala ang mga kasapi ng San Mateo Police Station makaraang nabiktima ng text scam ang isang babae matapos makatanggap ng text messages na siya ay nanalo sa isang raffle.

Nakasaad pa umano sa nasabing mensaheng natanggap ng itinago sa pangalang Lyn na kailangang magbigay ng P/10,000.00 upang mailabas ang kaniyang napanalunan.

Nangutang naman ang biktima at ipinadala ang nasabing halaga ng pera sa nag-text sa kaniya ngunit matapos maibigay ang pera ay sinabi sa kanya na wala na ang kaniyang napanalunan.

Nagbabala si P/Chief Insp. Richard Gatan, ang hepe ng PNP San Mateo sa mga mamamayan na huwag agad maniwala sa mga modus ng mga kawatan at mag-ingat para hindi maisahan ng mga manloloko.

--Ads--

Samantala, nagpaalala rin ang pamunuan ng ng Station 2 ng Santiago City Police Office sa mga mamamayan na makipag-uganayan kaagad sa kanilang himpilan kung may mga natatanggap na kahina-hinalang text message.

Ito ay kasunod ng mga naitatalang kaso ng text scam at nabibiktima ang mga inosenteng tao.

Inihayag ni P/Sr. Insp. Jose Cabaddu, hepe ng Station 2 ng SCPO na matagal ng modus ng mga kawatan ang mag-text at magpapakilalang isang abogado kung saan sinasabing kailangan munang magbayad ng pera bago maibigay ang kanilang napanalunan.