--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinatayang aabot sa isang milyong pisong halaga ng mga kagamitan ang tinupok ng apoy sa pagkasunog ng isang bahay sa Brgy. San Roque San Mateo Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Elizalde Viernes, may-ari ng bahay na nasunog, sinabi niya na nangyari ang sunog ikapito kagabi.

Aniya sandali lamang niyang iniwan ang kanilang bahay dahil nagtungo siya sa kanilang pwesto para buksan ang ilaw sa tindahan nang may tumawag sa kanya na nasusunog na ang kanilang bahay.

Agad namang itinawag sa Bureau of Fire Protection o BFP San Mateo ang sunog na agad ding nakaresponde para apulahin ang apoy.

--Ads--

Hindi naman malaman ni Ginoong Viernes kung saan galing ang apoy dahil hindi naman siya nagluluto nang umalis siya ng bahay.

Ganap na natupok ng apoy ang unang palapag ng bahay habang wala namang gaanong naapektuhan sa ikalawang palapag.

Aniya wala siyang kasama sa bahay dahil ang kanyang asawa ay nasa Maynila habang ang kanilang mga anak ay nasa ibang bansa.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng BFP sa naging sanhi ng sunog bagamat isa sa tinitingnang raso ang faulty wirings.