Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pagsabog sa Purok Sandigan, Barangay Bantug, Roxas, Isabela kahapon ng madaling araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Christian Arc Caoile, Chief of Police ng Roxas Police Station, sinabi niya na nangyari ang pagpapasabog sa labas ng bahay ng pamilya Calma sa nasabing barangay na agad nilang nirespondehan kasama ang SOCO at Provincial Explosive and Canine Unit o PECU.
Pagdating sa lugar ay nakita nila ang mga nagkalat na debris sa pinangyarihan ng pagsabog dahil nabasag ang plantbox sa loob ng compound.
Sa kabutihang palad, walang naitalang nasawi o nasugatan, at tanging plant box at gasgas sa pader lamang ang nasira sa pagsabog.
Sa kasalukuyan ay hindi pa nila matukoy kung anong uri ng pampasabog ito dahil wala pang report na ibinibigay ang PECU na siyang nagsagawa ng pagsusuri.
Ayon mga residente hindi ito ang unang pagkakataon na may nangyaring panggugulo sa nasabing pamilya dahil binato rin ng molotov ang bahay noong nakaraang linggo.
Sa ngayon ay patuloy ang backtracking nila sa mga kuha ng CCTV Cameras sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa pagpapasabog kung saan may ilang detalye na silang sinusundan.
Patuloy din ang kanilang close coordination sa biktimang pamilya para sa pag-usad ng imbestigasyon at pagtiyak ng kanilang kaligtasan.
Nanawagan naman siya sa mga opisyal ng barangay at maging sa mga concerned citizen may nalalaman sa pangyayari para sa agarang paglutas sa kaso.











