--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang isinasagawang panghuhuli ng pamahalaang barangay ng Marabulig Uno, Cauayan City sa mga galang aso sa kanilang nasasakupan.

Ito ay matapos maitala ang dalawang kaso ng rabies sa kanilang barangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy. Kagawad Jaime Andres Jr. Sinabi niya na buwan ng Mayo nang makagat ng kanilang sariling alagang aso ang dalawang residente.

Bigla na lamang aniyang namatay ang aso at nakaramdam na ng sintomas ang dalawang indibidwal na nakagat.

--Ads--

Agad na ipinasuri ng barangay ang namatay na aso sa Tuguegarao City at nakumpirma na nagtataglay ito ng rabies.

Bumisita naman ang mga kawani ng City Veterinary Office upang bigyan ng gamot ang dalawang indibidwal.

Kaugnay nito ay pinagtibay ng pamahalaang lokal ang ordinansa para sa panghuhuli ng mga galang aso sa kanilang nasasakupan.

Sa ngayon ay may sampung galang aso na silang nahuli at dinala sa dog impounding facility.

Maliban sa pagkakagat ay kalimitan ding nasasangkot ang mga galang aso sa mga aksidente.

Nagkakalat din ang mga ito ng mga basura sa lansangan kaya desidido ang barangay na huliin na ang mga ito kung hindi itinatali ng mga may-ari.