CAUAYAN CITY – Isinailalim na sa lockdown ang Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya matapos na makapagtala ng dalawang positibo sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Gov. Carlos Padilla na ang pangalawang nagpositibo sa bayan ng Aritao ay isang 25-anyos na lalaki.
Ang pasyente ay nakaranas ng sipon, lagnat at hirap sa paghinga kaya nagpa-konsulta siya sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital noong April 24.
Sa ngayon ay ginagamot na sa Region 2 Trauma and Medical Center sa Bayombong, Nueva Vizcaya ang pasyente.
Ang unang kaso ng COVID-19 sa Calitlitan, Aritao ay isang matanda na dinala na rin sa Region 2 Trauma and Medical Center noong Sabado.
Nangangamba ngayon ang punong lalawigan na baka nagkahawaan na sa nasabing barangay kaya nilockdown na ito.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng contact tracing ang Provincial Epidemiology and Surveillance Unit maging ng MESU.
Umabot na sa pito ang kaso ng COVID-19 sa Nueva Vizcaya kabilang na ang isang namatay.











