
CAUAYAN CITY – Nagreklamo ang isang botante sa Cauayan City dahil sa hindi pagtanggap ng vote counting machine (VCM) sa kanyang balota.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Glenda Gregorio, sinabi niya na hindi tinanggap ng VCM ang kanyang balota sa hindi matukoy na dahilan.
Aniya, sinunod naman niya ang mga dapat na gawin at na-ishade ng maganda ang kanyang balota.
Gayunman ay may iba siyang hindi na-shadan dahil hindi niya kabisado ang ilang tumatakbong kandidato sa lunsod.
Inulit ipasok sa VCM ng apat na beses ang kanyang balota subalit hindi pa rin ito mabasa.
Sinubukan namang ipashade sa kanya ang mga hindi niya na-shadan pero hindi pa rin mabasa ng VCM.
Ayon naman sa mga electoral board, maaring ang VCM ang may problema kaya isinantabi na lamang muna ang kanyang balota.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Jerbee Cortez, acting election officer ng COMELEC Cauayan City na kapag apat na beses nang ipinasok ang balota at hindi pa rin nabasa ng VCM ay itatago muna ng mga electoral board ang balota at mamarkahang misread ballots.
Hindi naman niya tiyak kung agad na matutukoy ang dahilan ng unread ballots dahil lahat ng official ballots ay dumaan sa testing.
Wala naman na aniyang ipapalit na balota sa mga unread ballots at hindi na rin mabibilang ang boto.
Bibilangin na lamang ito kung magkaroon ng protesta.










