
CAUAYAN CITY – Pormal nang idinulog ng pamahalaang lunsod sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB Region 2 ang paulit-ulit na pagpupuslit ng isang Bus Company ng mga Locally Stranded Individual o LSI.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni City Traffic Mobile Group Supervisor Sherwin Balloga na nagsampa na sila ng kaso laban sa bus company na dalawang beses na nagbaba ng LSI sa Lunsod ng Ilagan na maituturing na paglabag sa mga health protocols at mga ipinapatupad na panuntunan sa City Central Terminal.
Anya, ito ay Cargo bus na may biyaheng Metro Manila patungong Lunsod ng Tuguegarao kaya hindi ito otorisadong magsakay ng mga pasahero pabalik ng Lunsod.
Matagal umanong minanmanan ng mga kasapi ng CTMG ang naturang bus company at nang mapatunayang nagsasakay ng LSI patungong lunsod ng Ilagan ay minabuti nilang idulog ang insidente sa LTFRB Region 2 upang hindi na ito makapagpuslit pa ng mga pasahero.
Samantala sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa LTFRB Region 2 ay inihayag na walang permit na magsakay ng pasahero ang naturang bus company dahil ito ay ginagamit na cargo bus lamang.










