--Ads--

CAUAYAN CITY – Namatay ang isang carwash boy at nasugatan ang kasama nito matapos ang naganap na rambulan sa Brgy. District 2, Cauayan City.

Kinilala ang nasawing biktima na si John Mark Buan, labing siyam na taong gulang, binata at kasama nito na si Roel Sawit, labing walong taong gulang, binata, parehong carwash boy at residente ng Lunsod ng Santiago.

Kinilala naman ang mga suspek na sina Arwin Jay Diciol, labing siyam na taong gulang, studyante at residente ng Brgy Marabulig 2, Robic Cuntapay, labing siyam na taong gulang, private employee, Jetroval Rivera, dalawamput tatlong taong gulang, private employee, Aloysius Lumauig, dalawamput apat na taong gulang, miller, residente ng Brgy District 3, Oliver Carriedo, dalwampung taong gulang, restaurant crew at John Vincent Calzada dalawamput tatlong taong gulang, tattoo artist, at residente ng Brgy. District 1.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya ang mga biktima at suspek ay magkasunod na nag order at kumain ng lugaw sa isang lugawan sa Rivera St. Brgy. District 2, bandang ala una kaninang madaling araw.

--Ads--

Habang kumakain ay narinig umano ng mga biktima na gusto silang sapakin ng isa sa mga suspek kaya hindi na nila tinapos ang pagkain at agad umalis sa lugar.

Ngunit makalipas lamang ang ilang minuto, dahil nais din ng kanilang ibang kasama na bumili ng lugaw ay sinamahan nila ang mga ito.

Bumalik ang mga biktima sa naturang lugawan na may dalang baseball bat at mga bato na parang naghahamon ng away na naging dahilan ng mga suspek para maghamon pabalik na nagresulta ng rambulan.

Ang dalawang nabanggit na biktima ay nagtamo ng saksak sa kanilang katawan na agad dinala ng rumespondeng kasapi ng Rescue 922 sa isang pagamutan dito sa lunsod ngunit ang biktima na si John Mark ay idineklarang Dead on Arrival ng kanyang Attending Physician.

Agad na nag report sa himpilan ng pulisya ang witness sa nangyaring kaguluhan at nadakip ang mga suspek.

Kasalukuyan pa ang pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station sa pangyayari.