--Ads--

CAUAYAN CITY – Inirereklamo ng ilang mga concern citizen ang Meraki garden na matatagpuan sa gilid ng National Highway na nasasakupan ng barangay Nappaccu Pequeño dahil umano sa hindi naipapatupad na health protocols sa mga bumibisita rito.

Unang natanggap ng himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang impormasyon mula sa mga concern citizen na dumadaan sa naturang garden dahil sa napapansing dagsaan ang mga taong nagtutungo doon at madalas na may mahabang pila sa labas at napapansin nilang hindi na nasusunod ang social distancing.

May ilan ring hindi nakasuot ng facemask at  mayroon pang mga bata na hinahayaang makapasok sa lugar.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan Kay Ginang Lyn Marcaida, ang may ari ng Meraki garden, sinabi niya na nagumpisa ang operasyon ng garden noong ikadalawampu’t walo ng setyembre at hindi naman niya akalain na dadagsain ito at dadayuhin ng mga tao na mula sa iba’t ibang bayan.

--Ads--

Paglilinaw niya na pagbebenta lamang talaga ng bougainvillea ang plano niya sa lugar subalit ng mapaganda niya ang garden ay talagang dumami na ang pumupunta rito.

Aniya na hindi umano nila kontrolado ang mga tao sa labas subalit sa loob ay hindi naman umano nagkakaroon ng paglabag sa social distancing dahil hindi nila hinahayaang maging siksikan.

Come and go, aniya ang mga tao at upang matiyak na napapanatiling hindi crowded sa loob ng garden ay saka lamang umano sila nagpapapasok pag may mga lalabas na mga tao na maaring ito aniya ang dahilan kaya naman naiipon ang tao sa labas.

Siya rin mismo ang nag iikot upang tiyaking naka suot ng face mask ang mga dumadalaw at nakakapasok sa loob.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginang Lyn Marcaida, ang may ari ng Meraki garden.

Nagpaliwanag rin siya may kaugnayan sa pagpayag na makapasok ang mga bata sa loob ng garden dahil sa pag-aakalang ayos lamang ito dahil open area naman ang kanilang garden subalit dahil sa kasalukuyan paring nasa ilalim ng GCQ ang lalawigan ay ipinagbabawal na nila ang pagsasama ng bata sa loob ng garden.

Nakipag ugnayan na rin umano sila sa barangay kapitan maging sa Reina Mercedes Police Station para sa pagiikot sa kanilang lugar upang matiyak ang peace and order at maipatupad ng tama ang health protocols.

Aminado naman siya na tanging pagbebenta ng mga bougainvillea ang hawak niyang permit dahil hindi niya inaasahang dadagsain ng tao ang kaniyang garden.

Panawagan ni Ginang Marcaida sa mga nagnanais o may balak pasyalan ang kanilang garden na sana ay sundin ang mga health protocols upang mapanatiling ligtas ang lahat.

Ipinaalala rin niya sa lahat na mula ngayong araw ay hindi na sila tatanggap ng mga bata.

Ang karagdagang pahayag ni Ginang Lyn Marcaida, ang may ari ng Meraki garden.

SAMANTALA sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Romella Barangan, ang Municipal Health Officer ng Reina Mercedes Isabela, sinabi niya na mayroon na silang inisyal na gagawin tungkol sa nasabing usapin.

Aniya naidulog na niya ito sa Punong Bayan ng Reina Mercedes dahil napapansin na rin niyang marami ang nagpupunta sa lugar.

Nakatakdang magtungo ang ilang staff ng LGU sa lugar sa susunod na mga araw upang makita kung ano ang dapat gawin.

Plano nilang pabantayan sa PNP ang lugar upang mapanatili ang mahigpit na pagsunod sa mga health protocols ng mga turistang magtutungo sa lugar.

Nakatakda ring tingnan kung ilang tao ang kapasidad ng lugar upang matukoy ang bilang ng pwedeng pumasok.

Aniya nakakaalarma ang pagdagsa ng mga tao sa lugar kaya kailangang mahigpit ang ipapatupad na health protocols kahit pa ito ay open area upang hindi magdulot ng pagtaas ng kaso sa bayan ng Reina Mercedes.

Ayon pa kay Dr. Barangan marami na rin naman ang mga establisimiento sa kanilang bayan ang nabigyan ng Safety Seal Certificate at nagpapatuloy pa ang inspeksyon sa mga hindi pa nabibigyan.

Pinaalalahanan naman ni Dr. Barangan ang mga taong nais magtungo sa nasabing garden na huwag nang makisabay kung maraming tao ang nasa lugar bilang pag iingat pa rin sa Covid 19.

Ang bahagi ng pahayag ni Dr. Romella Barangan, ang Municipal Health Officer ng Reina Mercedes Isabela.