--Ads--

CAUAYAN CITY – Nais ng isang Ginang na mapanagot ang mga nurse sa Quirino Province Medical Center o QPMC  na nagpabaya sa kanilang tungkulin habang naghihingalo at bawian ng buhay ang kanyang mister sa nasabing pagamutan.

Sa kanyang pagdulog sa Bombo Radyo Cauayan ay ikinuwento ni Ginang Rowena Elchico na dinala niya ang kanyang asawa sa QPMC noong ikasiyam ng Oktobre, 2021 dahil sa pananakit sa tiyan ngunit dinala sila sa COVID-19 ward ng naturang pagamutan.

Kinuwestyon anya ng Ginang kung bakit sila dinala sa COVID-19 ward dahil hindi naman COVID patient ang kanyang mister ngunit inihayag ng mga medical staff na puro COVID-19 patients ang laman ng nasa kabilang kuwarto kayat inilagay sila sa isa pang COVID-19 room para hindi umano sila mahawa.

Reklamo ng Ginang, nagpapatulong siya sa mga naka-duty na nurse dahil nahihirapan ang kanyang mister dahil sa sobrang sakit ng tiyan ngunit sinagot siyang hindi pa umano oras ng pag-iikot ng mga nurse.

--Ads--

Dahil naghihingalo  na  ang kanyang mister ay tumawag uli siya sa  mga nurse ngunit sinabihan siyang hindi lamang sila ang pasyente sa pagamutan at noong pangatlong tawag niya ay pinatayan na siya ng nasa kabilang linya.

Noong nakita niyang patay na ang kanyang mister ay nagtungo  siya sa Nurse Station at ipinaalam na patay na ang asawa at  may isang nurse na tumingin sa kanyang mister.

Tinanong anya siya kung papayag silang malagyan ng tubo o hose sa ari ng mister upang mahabol ang buhay nito.

Ngunit natagalan ang  pagkuha ng tubo kayat sinabihan na niya ang mga medical staff na huwag nang lagyan ng tubo dahil patay na ang mister samantalang noong nanghihingalo ay hindi man lamang tumugon ang mga nurse noong nagmakaawa siya ng tulong.

Matapos mamatay ang kanyang mister ay inilagay muna sa freezer ng apat na araw dahil hihintayin pa ang resulta ng swab test at nagpositibo.

Dahil positibo  ang kanyang mister at kaagad nila itong inilibing.

Duda naman si Ginang Elchico na positibo sa COVID-19 ang kanyang mister dahil kung positibo ay nahawaan sana siya.

Nais ng Ginang na mapanagot at maparusahan ang mga Nurse na nagpabaya sa kanyang mister at hindi man lamang tumugon sa kanyang pagmamakaawa na tulungan ang naghihingalong asawa.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginang Rowena Elchico.

SAMANTALA, Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pamunuan ng Quirino Province Medical Center kaugnay sa reklamo ni Ginang Rowena Elchico.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Marissa Mamate, Head ng Medical Department ng Quirino Province Medical Center na inatasan na ang kanilang Chief Nurse na siyasatin ang reklamo ng Ginang.

Sinabi ni Dr. Mamate na inilagay nila sa COVID-19 probable ang pasyente kayat nadala sa COVID-19 ward habang hinihintay ang RT-PCR test result.

Nilinaw din ni Dr. Mamate na bagamat mayroong oras na pag-iikot ng mga nurse ay dapat ding tumugon sa emergency cases kayat  sinisiyasat na ang reklamo ni Ginang Elchico.

Ang bahagi ng pahayag ni Dr. Marissa Mamate.