CAUAYAN CITY – Ibinahagi ng isang guro ang hirap na dinaranas nito sa pag-biyahe araw-araw patungong paaralan makapagturo lamang sa mga estudyante na nasa malalayong lugar ng Echague, Isabela.
Ang naturang Guro ay si G. Alexander Domingo Jr, Head Teacher ng San Miguel Elementary School.
Kinakailangan kasing bumiyahe ni Ginoong Domingo ng dalawang oras mula sa kanilang tahanan patungong San Miguel at hindi rin kagandahan ang mga daanan patungo sa kaniyang pinapasukang paaralan.
Hindi pa kasi sementado ang mga kalsada na kaniyang dinadaanan na lubhang malubak at kung minsan ay maputik lalo na tuwing maulan ang panahon.
May mga pagkakataon pa umano na isinakay nila sa loader ang kaniyang motorsiklo dahil hindi na nito kakayanin pang sumuong sa kalsada dahil sa hindi kagandahang lagay ng kalsada na dulot ng pag-ulan.
Naranasan din nilang magtulak ng sinakyan nilang jeep galing sa isang patimpalak na nabalaho sa maputik na daananan.
Gusto kasi umano niyang maranasan din ng mga mag-aaral sa San Miguel Elemetary School ang makipagsabayan sa mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan kaya kahit pahirapan ang biyahe palabas ng naturang barangay ay minabuti pa rin nilang lumabas para ma-expose ang mga mag-aaral sa iba’t ibang kaganapan sa labas.
Hindi naman umano niya alintana ang hirap dahil ang tanging hangarin niya lamang ay ang makapagturo at mahubog ang kakayahan ng mga bata na siyang magiging daan para sa maganda nilang kinabukasan.
Maituturing aniyang achievement para sa kaniya sa tuwing nakikita niya na unti-unting naabot ng kaniyang mga estudyante ang kanilang mga pangarap.