
CAUAYAN CITY – Naitala ang kauna-unahang kaso ng COVID 19 sa Santiago City sa katauhan ni PH3987, 46 anyos na babae, health worker na residente ng Santiago City.
Si PH3987 ang ika-24 na nagpositibo ng COVID 19 sa region 2 .
Ang health worker ay may history ng paglalakbay sa New Clark City, Tarlac noong March 4, 2020.
Kasama siya ng grupo ng mga health worker na tumulong sa operasyon ng quarantine ng mga Overseas Filipino Worker (Ofw’s) na sakay ng Diamond Cruise Ship.
Bumalik si PH3987 noong March 13, 2020 at sumailalim sa home quarantine bago bumalik bilang health worker ng Southern Isabela Medical Center (SIMC).
Nakaranas ng pananakit sa lalamunan o sore throat si PH3987 noong March 31, 2020 at nagpakonsulta noong Abril 6, 2020 at kinunan ng specimen upang masuri para sa COVID 19.
Nagpositibo sa COVID 19 ang health worker at kasalukuyang ginagamot sa SIMC.
Ang Regional Epidemiology Surveillance Unit ay nagsasagawa na ng contact tracing sa mga nakasalamuha ni PH3987 kasama ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela at pamahalaang lunsod ng Santiago
Samantala, 17 mula sa 24 na kaso ang naka-recover na sa COVID 19 habang isa ang naitalang namatay sa Solano, Nueva Vizcaya.










