CAUAYAN CITY – Labis ang pag-aalala ng isang ina matapos na itakas ng kanyang live-in partner ang labing isang buwang gulang nilang sanggol.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa ina ng Sanggol na si Angelika Magtarayo, dalawampung taong gulang at residente ng Ibujan, San Mariano sinabi niya na nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng kanyang kinakasama na si Ronnie Lagunao, tatlumpu’t pitong taong gulang na tubong Mindanao.
Lagi umanong sinasabi ng kaniyang kinakasama na may pinoproblema siyang utang sa Lending Institution.
Kahapon habang nagtitiklop siya ng damit at karga naman ng kinakasama niya ang sanggol nilang anak nang napansin niya na wala na ang kanyang mag-ama.
Hinanap pa niya ang kinakasama at anak sa kaniyang lolo at lola na kasama nila sa bahay at sinabing umalis ang kanyang mag-ama para puntahan ang kanilang kapitan.
Kinumpirma naman ni barangay Kapitan Danilo Zipagan na nagpunta sa kaniya si Ronnie Lagunao at sinabing aalis sila at pupunta sa Antagan 1st, Tumauini, Isabela.
Labis-labis ang kaniyang pagaalala ngayon dahil mahigit isang araw na niyang hindi napapa-breast feed ang kaniyang anak at ayaw ding mag-gatas sa bote.
Dumulog na si Angelika sa Municipal Social Welfare Development sa bayan ng San Mariano upang humingi ng tulong para mabawi ang anak.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay MSWD Officer Fatima Telan ng San Mariano, Isabela, agad silang nakipag-ugnayan sa MSWDO ng Tumauini, Isabela upang kumpirmahin ang address ng aating asawa ni Lagunao na sinasabing residente ng Antagan First, Tumauini, Isabela.
Aniya, oras na makumpirma na naroon ang bata ay agad nila itong pupuntahan upang mabawi.
Nakadepende naman sa ina ng Sanggol kung magsasampa ng kaso laban sa kinakasama dahil nakasaad sa saligang batas na ang batang edad pito pababa ay dapat na manatili sa piling ng ina.
Bukas naman ang PNP San Mariano na siyasatin ang lahat ng anggulo sa naturang insidente.