CAUAYAN CITY – Patuloy na sinisiyasat ng Diffun Police Station ang pagbaril ng mga holdaper sa isang kasapi ng PNP Special Action Force.
Nasa maayos nang kalagayan si PO2 Rambo Belingon, tatlumput dalawang taong gulang, may asawa, residente ng Aurora west, diffun, quirino at nakatalaga sa New bilibid prisons sa Muntinlupa City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni P/Sr. Insp. Jovencio Calagui, hepe ng Diffun Police Station na si PO2 Belingon kasama ang kanyang misis ay pauwi na sa kanilang bahay galing sa isang groserya nang holdapin sila ng tatlong suspek na sakay ng dalawang motorsiklo.
Lumabas sa pagsisiyasat na pilit na kinuha ng mga suspek ang bag ng biktima subalit ayaw niyang ibigay na dahilan para siya ay barilin.
Nagtamo ng sugat sa kanyang hita at tuhod si PO2 Belingon na agad namang naisugod sa ospital sa Santiago City.
Natangay ang pitaka ng biktima na may laman na mahigit P/1,000.00 maging ang kanyang issued firearms na glock 17 pistol.
Mabilis na tumakas ang mga suspek na nakasuot umano ng face mask.
Natagpuan sa pinangyarihan ng panghoholdap ang ilang basyo ng Cal. 45 at Cal. 38 baril.
Hindi inaalis ng mga otoridad na maaaring ang mga suspek ay kasapi ng grupo na nasa likod ng mga nagaganap na robbery-hold up sa Quirino.




