--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang lalaki matapos na mabangga ng isang SUV habang tumatawid sa kalsada na bahagi ng FNDY Boulevard sa San Fermin, Cauayan City.

Ang biktima ay si Hilario Birung, 60-anyos at residente ng District 1, Cauayan City habang ang tsuper ng SUV ay si Jinfu Shi, 34-anyos, Chinese National, negosyante at residente ng San Antonio, Quezon, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, galing sa Cauayan City ang sasakyan at patungo sa bayan ng Roxas nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nabangga nito ang tumatawid na biktima.

Tumilapon ang biktima sa sementadong kalsada at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

--Ads--

Huminto naman umano pansamantala ang sasakyan subalit umalis din ngunit naharang ng sasakyan ng isang residente na nasa lugar.

Natagis din nito ng bahagya ang sasakyan ng humarang na si Renato Rodriguez na residente ng District 1, Cauayan City.

Agad tumawag ng tulong sa pulisya ang mga nakasaksi at dinala sa pagamutan ng mga rumespondeng rescuer ang biktima.

Sa ngayon ay nasa maayos nang kalagayan ang biktima habang nakakulong na sa detention facility ng Cauayan City Police Station ang suspek.

Inihahanda na rin ng pulisya ang patung-patong na kasong isasampa laban sa kanya kabilang ang Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injury, Damage to Property at paglabag sa Article 275 na nakapailalim sa Revised Penal Code o Abandonment of one’s victim.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pinaghihinalaan.