Disgrasya ang inabot ng isang lalaki mula Luna Street Extension matapos mawalan ng kontrol sa kanyang minamanehong motorsiklo sa Purok 2, Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jun Chua, isa sa mga nakasaksi sa pangyayari, papunta sana siya sa Centro ng Lungsod upang tingnan ang kinakatay niyang baboy nang biglang may motor na dumaan sa kanyang likuran at agad na nag-overtake.
Dagdag pa niya, nakita niyang nawalan ng balanse ang motorsiklo at nahulog ito sa isang canal malapit sa tindahan ng bukohan.
Dahil sa impact tumilapon naman ang biktima at sumadsad sa kalapit na tindahan.
Nagulat ang mga residente nang makarinig ng malakas na kalabog kung kaya’t agad silang nagtungo sa lugar at doon nila naabutan ang biktima na nakahandusay.
Mabilis namang rumesponde ang Rescue 922 at dinala ang lalaki sa pinakamalapit na pagamutan para sa agarang lunas.











