--Ads--

CAUAYAN CITY – Isang hinihinalang mataas na pinuno ng New People’s Army o NPA ang namatay sa naganap na engkuwentro sa pagitan ng mga kasapi ng 48th Infantry Batallion Phil. Army at mga rebelde sa Barangay Nabaong Garlang, San Ildefonso, Bulacan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa pamunuan ng 7th Infantry Division Philippine Army na nakahimpil sa Fort Ramon Magsaysay, Nueva Ecija, nakakuha ng impromasyon ang mga kasapi ng 48th IB mula sa mga concerned citizen na humigit kumulang limang kasapi ng NPA ang nagsasagawa ng extorsion activities sa nasabing lugar na agad nilang tinugunan.

Ang pagtugon ng mga sundalo ay nagresulta ng labanan na tumagal ng limang minuto  at pagkamatay ng isang alyas Buddy na miyembro ng Timog Sierra Madre ng New People’s Army at hinihinalang mataas na pinuno ng NPA habang tumakas ang iba nitong kasamahan.

Nasamsam sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang hand grenade, isang caliber 38 pistol na may tatlong bala, isang motorsiklo, isang back pack na naglalaman ng mga personal na gamit, limang cellphones at isang flash drive.

--Ads--

Sinabi pa ni Lieutenant Colonel Arnel Cabugon, Commanding Officer ng 48th Infantry Batallion na ang enkuwentro ay dulot ng pinaigting na operasyon ng mga sundalo laban sa mga rebelde upang matiyak ang katahikiman sa kanilang nasasakupan.

Hinimok din niya ang mga nalalabi pang mga rebelde na magbalik loob na sa pamahalaan upang makapamuhay ng tahimik kasama ang kanilang mahal sa buhay.