CAUAYAN CITY – Nahulog sa magat river na nasasakupan ng Hydro, Gen. Aguinaldo, Ramon, Isabela ang isang elf truck kaninang umaga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Fernando Mallillin, hepe ng Ramon Police Station na ang nahulog na Isuzu Mini Elf ay minaneho ni Mel Turingan, 33-anyos, may asawa at residente ng Rang-Ay, Cabatuan, Isabela.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, nag-titimbang ng kargang isda ang tsuper ng sasakyan nang biglang bumaliktad ang mini elf truck at nahulog sa magat river.
Nagtamo ng malaking pinsala ang sasakyan at nadamay din ang isang bangka at bahagyang napinsala.
Ayon kay PMaj. Mallillin, wala namang nasaktan sa pangyayari dahil wala naman sa sasakyan ang tsuper nang ito ay matumba at mahulog.
Aniya, patag naman ang lugar subalit posibleng lumambot ang lupa kaya bumaliktad at dahil na rin sa bigat ng karga nito at sa tubig.
Kailangan naman ng malaking boom truck para maiahon ang sasakyan dahil may kalaliman ang lugar kung saan ito nahulog.
Paalala ng pulisya sa mga mamamayan na doblehin ang pag-iingat at tingnang mabuti ang sasakyan kung saan nakaparada dahil walang nakakaalam kung kailan darating ang disgrasya.