--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang kasapi ng Guerilla Front-AMPIS sa naganap na armed encounter sa pagitan ng tropa ng 54th Infantry Battalion at Communist Terrorist Group kahapon sa Sitio Binangyuyaw, Barangay Namal, Asipulo, Ifugao.

Nagsasagawa ang nasabing tropa ng sundalo ng pursuit operation laban sa WGF-AMPIS nang mangyari ang sagupaan.

Tumagal ng limang minuto ang putukan na nagresulta ng pagkasawi ng isang CTG member.

Inihayag ni Lt.Col. Franz Joseph Diamente, Commander ng 54IB ang kanilang pakikiramay sa pamilya ng nasawing rebelde na kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan nito.

--Ads--

Maliban sa nasawing rebelde ay nakarekober din ang mga sundalo ng isang M16A2 rifle na naiwan nila sa kanilang pagtakas.

Bago ang nasabing sagupaan ay dalawang magkasunod na engkwentro ang unang naganap sa Barangay Namal noong ika-23 at ika-24 ng Mayo kung saan iniwan ng kanyang mga kasama si alias Junel, Vice Commanding Officer ng nasabing terrorist group na sugatan.

Nailigtas siya ng tropa ng pamahalaan at dinala sa ospital upang malapatan ng lunas ang kanyang tinamong sugat at ngayon ay nagpapagaling na.