--Ads--

CAUAYAN CITY- Mas paiigtingin ng Ramon Police Station ang pagbabantay sa Rolling Hills sa Planas, Ramon matapos mahulog ang isang motorsiklo sa matarik na bahagi ng gilid ng kalsada.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, Hepe ng Ramon Police Station, sinabi niya na kahapon lamang ay na-out of control ang isang rider sa pababang bahagi ng daan ngunit minor injuries lang naman ang tinamo nito.

Dahil sa pangyayari ay palagian na ang gagawin nilang pagbisita sa naturang pook pasyalan pangunahin na tuwing weekend.

Kinausap na rin umano niya ang Punong Barangay ng Planas na magdagdag ng signages at magtalaga ng mas maraming personnel o Marshals na magbabatantay sa lugar upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na insidente.

--Ads--

Tuwing weekend ay hindi aniya bababa sa 5,000 na mga turista ang bumibisita sa Rolling Hills.

Dahil dito ay nagbigay din siya ng direktiba sa Barangay na magtalaga ng rescue personnel sa lugar upang marespondehan ng mabilis ang pangangailangang medikal ng mga turista.

Nagpaalala naman siya sa mga local tourist na bibisita sa lugar na sumunod sa panuntunan kagaya na lamang ng pagsusuot ng helmet ng mga motorista lalo na at delikado ang daan sa naturang pook pasyalan.