--Ads--

Isang dalubhasa sa musika mula sa University of Bristol sa U.K. ang lumikha ng espesyal na musika na idinisenyo upang palitawin ang tamis at sarap ng kinakaing tsokolate.

Ang kantang pinamagatang Sweetest Melody ay resulta ng mahigit 60 taong siyentipikong pananaliksik sa isang phenomenon na tinatawag na multisensory integration, kung saan ang pandinig at panlasa ay may direktang epekto sa isa’t isa.

Ayon sa mga eksperto, napatunayan na ang mga musikang may malalambot na melodiya at nasa major keys ay nakapagpapatingkad ng tamis. Samantala, ang matatalim na nota ay nagpapalabas naman ng pait.

Dahil dito, nakipagtulungan ang sound expert na si Natalie Hyacinth sa kilalang brand ng tsokolate na Galaxy Chocolate upang buuin ang kanta.

--Ads--

Ang Sweetest Melody ay may habang 90 seconds, ang tinatayang tagal bago tuluyang matunaw ang tsokolate sa bibig at may bilis ito na 78 Beats Per Minute. Gumagamit ito ng tunog ng piano para magbigay-diin sa tamis, mga instrumentong may kuwerdas para sa smooth finish, at harp para sa mas makinis at kaaya-ayang texture.

Ayon sa Galaxy Chocolate, ginagawa ang kanta upang ang simpleng pagkain ng dessert ay maging isang symphony of the senses.

Ipinakikita nito kung paanong ang pagkain ng tsokolate ay isang multisensory experience na higit pa sa panlasa. Ang kapangyarihan ng musika na magpalalim ng ating kasiyahan sa tsokolate ay isang nakatutuwang konsepto.