CAUAYAN CITY – Patuloy na inirereklamo ng mga residente ang isang poultry farm sa Marabulig Uno Cauayan City dahil sa napakaraming langaw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy. Kagawad Jaime Andres Jr., ilang ulit na nilang binisita ang farm dahil sa maraming residente na ang nagreklamo sa mga langaw na galing dito.
Pasintabi sa mga nakikinig at nanonood dahil ayon sa mga residente napipilitan na silang kumain ng nakakulambo dahil sa dami ng mga langaw.
Ayon kay Kagawad Andres, noong una ay walang naging problema sa nasabing farm dahil nagbibigay pa sila ng pang-ispray sa mga langaw ngunit ngayon ay tila wala nang aksyon ang may-ari sa dulot na problema ng kanilang negosyo.
Dahil dito ay hiniling nila ang tulong ng City Task Force lalo na at minsan ay hindi pinapayagang pumasok sa farm ang mga sanitary inspectors kung sila ay bumibisita.
Nanawagan naman siya sa mga residente na habaan ang pasensya dahil ginagawan na nila ito ng aksyon at naidulog na sa pamahalaang lungsod.