
CAUAYAN CITY – Suliranin ng mga residente sa Marabulig 1, Cauayan City ang napakaraming langaw na nagmumula sa isang poultry farm.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mylyn Collado, residente ng Purok 3 sa nabanggit na barangay, sinabi niya na magdadalawang linggo na nilang nararanasan ang problema sa langaw.
Nagmumula ang mga ito sa isang poultry farm sa kanilang barangay na tuwing maghaharvest sila ng manok ay naglalabasan ang mga langaw.
May ibinigay ang mga barangay officials na pang-spray ng langaw subalit hindi naman nawawala ang mga ito.
Ilan lamang ang namamatay at maglalaho ngunit makalipas ang ilang sandali ay babalik na naman ang mga ito at mistulang mas dumarami pa.
Hindi lamang ang kanilang purok ang namomroblema dahil maging ang isa pang purok na mas malapit sa farm.
Mahirap ito para sa kanila dahil maliban sa hirap silang kumain ay ikinababahala rin nila ang kanilang kalusugan lalo na sa mga bata.
Sana ay magbigay ng sapat na pang-spray ang may-ari ng farm dahil ubos na rin ang ibinigay sa kanila o di kaya sila na lamang ang mismong mag-spray sa mga kabahayan.
Samantala, sa pagtungo ng Bombo Radyo Cauayan sa sinasabing poultry farm, inamin ng tagapamahala na galing ang mga langaw sa kanilang poultry farm at ang dahilan ng pagdami ng mga ito ay ang nadelay na mga truck na kukuha sa mga dumi ng naharvest na manok.
Dahil sa bird flu na naranasan sa kalapit na barangay ay naging mahigpit ang pagbiyahe ng mga truck na kumukuha ng mga dumi ng manok kaya marami silang permit na inaayos.
Dahil sa ilang araw na delay ay nangingitlog ang mga langaw at hindi mapigilan ang pagdami ng mga ito kaya nagbigay na lamang sila sa barangay ng pang-spray.
Humihingi ng pang-unawa ang tagapamahala ng poultry farm sa mga residenteng apektado.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Committee on Health and Sanitation Brgy. Kagawad Jaime Andres Jr., sinabi niya na nag-spray na sila sa ilang apektadong residente at ang iba ay binigyan na lamang ng pang-spray.
Nakausap na rin nila ang mismong may-ari ng farm upang maayos at hindi makaapekto sa mga residente.
Ngayong araw ay mag-spray din sila sa mga kabahayn na apektado ng mga langaw.










