CAUAYAN CITY – Inireklamo ng ilang residente ang hindi umano magandang amoy na nagmumula sa isang tindahan sa Brgy. Turayong.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, hindi umano napapanatili ang kalinisan sa tindahan kaya hindi maganda ang amoy na nagmumula dito na maaaring magdulot ng sakit.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Dolly Reyes, may-ari ng tindahang inirereklamo, sinabi nito na may mga pagkakataong nagkakaroon ng dumi at hindi magandang amoy sa kanilang Lugar dahil sa mga baboy ngunit nililinisan din ito agad.
Bumibili aniya ng baboy ang kanyang pamangkin na kanila ring ibebenta o kakatayin.
Sa isang araw ay may pagkakataon na nakakabili sila ng limang baboy ngunit dalawa lang ang nakakatay at Ang tatlo ay ikinukulong sa isang walang laman na tindahan dahil wala naman silang sariling kulungan ng baboy.
Hindi aniya maiiwasan na ang mga natirang tatlong baboy ay magkakalat ng dumi sa pwesto kaya umaamoy ito sa daan, subalit nililinisan din naman umano nila ito agad.
Samantala inihayag ng ilang opisyal ng barangay na nagkaroon na sila ng inspection at patuloy itong inaaksyonan.





