--Ads--

CAUAYAN CITY – Namatay ang isang welder at nasugatan ang kasama nito matapos silang mabangga ng isang tricycle habang naglalakad sa kalsadang nasasakupan ng Brgy. Minante Uno, Cauayan City.

Kinilala ang mga biktima na sina Jestoni Jesalva, nasa wastong gulang, isang welder, tubong Cainta Rizal at Noel Raman, apatnaput walong taong gulang, may asawa, tubong Tabuilan, Cebu at nangungupahan sa Brgy. Minante 1.

Ang suspek ay kinilalang si Joelybert Ventura, apatnaput dalawang taong gulang, walang asawa, Ricemill operator at kasalukuyang naninirahan sa Brgy Minante 1 at sakay nito ang kinilala naman na si Junjun Malonis.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya ang mga biktima ay naglalakad lamang sa gilid ng kalsada nang bigla na lamang silang nabangga ng isang tricycle na walang headlight na minaneho ni Ventura.

--Ads--

Dahil sa pagkakabangga at nasugatan ang dalawang biktima na agad dinala sa pagamutan ng rumespondeng kasapi ng Rescue 922 subalit dineklarang dead on arrival si Jestoni Jesalva ng kanyang attending physician.

Ang mga suspek ay agad namang tumakas patungong kanlurang direksyon ngunit sa pamamagitan ng isang concern citizen na nakasaksi sa insidente nagreport sa himpilan ng pulisya ay agad silang nagsagawa ng hot pursuit operation at nahuli ang mga suspek.

Walang maipakitang lisensya si Ventura at napag alamang ito ay nasa impluwensiya ng nakakalasing na inumin habang nagmamaneho.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek na si Joelybert Ventura, sinabi niya na bumili sila ng pagkain at nang pauwi na ay hindi niya napansin na may naglalakad sa gilid ng kalsada.

Aniya hindi gumana ang headlight ng sinakyan nilang tricycle kaya hindi gaanong makita ang daan at nagdulot ng pagkabangga nila sa dalawang biktima.

Iginiit niya na wala siyang planong takasan ang pangyayari kundi inihatid lamang niya ang kanyang kasama bago sumuko sa pulisya.

Ngunit dahil nakasalubong na nila ang mga pulis ay kusa na lamang silang sumama sa himpilan ng pulisya.

Haharapin na lamang umano niya ang kasong isasampa laban sa kanya.

Ang bahagi ng pahayag ng suspek.