Ibinida ng Isabela School for Arts and Trades ang kanilang libreng training para sa driving NCII.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ma. Elena Narciso, Officer-in-Charge – Vocational School Superintendent, sinabi niya na ang driving NCII ay mayroong 15 days training na kinabibilangan ng 5 days theoretical at 10 days practical driving.
Libre aniya ang training ng driving NCII at kung minsan ay mayroon ding ibinibigay na scholarship allocation ang TESDA at kapag nagkataon ay libre na rin pati ang assessment.
Nilinaw naman niya na pagdating sa regular program sa driving ay kailangang magbayad ng assessment fee.
Para sa mga nagnanais na makibahagi sa naturang training, kinakailangan lamang magpatala sa registrar’s office ng ISAT at magdala ng mga requirements gaya na lamang ng form 137 o form 138 at birth certificate.
Aniya, marami ang enrollees sa driving at nasa mahigit kumulang 100 pa ang nasa waiting list.
Prayoridad naman ngayon ng ISAT ang pag-apply ng higher qualifications na ino-offer ng TESDA gaya na lamang ng Electrical Installation and Maintenance NCIII at NC IV.
Pinag-aaralan naman nila sa ngayon ang pag-register ng mga bagong programa tulad ng Community Nutrition Services NCII at Early Childhood Development.











