--Ads--

Isang kakaibang insidente ang nagdulot ng sunog at pansamantalang brownout sa isang bahagi ng British Columbia, Canada, matapos matukoy ng mga bumbero ang isang isda at isang ibon bilang pinagmulan ng apoy.

Ayon sa Ashcroft Fire Rescue, rumesponde sila sa isang grassfire sa timog ng bayan ng Ashcroft, mga 67km sa kanluran ng Kamloops, bandang tanghali nitong Miyerkules. Sa tulong ng mga lokal na magsasaka at empleyado ng B.C. Hydro, mabilis na naapula ang apoy.

Ngunit laking gulat ng mga bumbero nang makita nila ang sanhi ng sunog, isang sunog na isda sa paanan ng poste ng kuryente.

“We get out there and right at the base of the pole, we find this charred fish,” pahayag ni Josh White, hepe ng Ashcroft Fire Rescue. “And we’re just wondering, how did this get here?”

--Ads--

Matapos ang imbestigasyon, napag-alamang ang isda ay nahulog mula sa isang osprey, isang uri ng ibon na kumakain ng isda. Tumama ito sa mga linya ng kuryente habang nahuhulog, nagdulot ng mga baga na kumalat sa tuyong damo at naging sanhi ng sunog.

Tinaya ng mga bumbero na ang pagod na ibon ay maaaring napilitan na lamang bitawan ang isda dahil sa init ng panahon. Ang lugar ng sunog ay halos tatlong kilometro ang layo sa pinakamalapit na ilog, kung saan malamang na nakuha ng ibon ang kanyang nahuling isda.

Sa social media post ng fire department, biro pa nila na ang “prime suspect”, ang ibon, ay hindi nasaktan sa insidente.

Aabot sa 4,800 galon ng tubig ang kinailangan upang tuluyang maapula ang apoy. Pansamantala ring nawalan ng kuryente ang bayan dahil sa insidente.

Isang paalala sa lahat na kahit ang kalikasan ay may mga paraan ng pagpapasiklab ng apoy ng literal.