Humingi ng paumanhin ang Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1 sa mga member consumer sa ilang bahagi ng Cauayan City dahil hindi pa naibalik ang tustos ng kuryente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Leo Serrano, Area Manager ng ISELCO 1 sinabi niya na dahil sa lawak ng nasirang linya ng kuryente ay hindi pa nila naibalik ang tustos ng kuryente sa East Tabacal at Forest Region.
Batay sa isinagawang disaster risk assessment, unang nangako ang ISELCO 1 na maibabalik ang tustos ng kuryente ngayong linggo bagamat walang eksaktong oras na itinakda dahil nagpapatuloy pa ang restorasyon ng kanilang linemen sa mga naapektuhang transmission lines.
Naibalik na ang tustos ng kuryente sa Poblacion area at inikutan na rin nila ang Tanap at West Tabacal Region habang hinihintay naman nilang maging passable ang tulay ng Alicaocao na dadaanan nila para makumpuni na ang mga nasirang linya sa mga malalayong barangay.
Ayon kay Engr. Serrano, wala silang maibigay na eksaktong araw ng pagbabalik ng tustos ng kuryente ngunit ipinangako nilang ngayong linggo rin maayos ang mga nasirang transmission lines.