--Ads--

Hinimok ng ISELCO 1–Santiago Branch ang mga konsyumer na maging responsable sa pagbabayad ng kanilang electric bill upang maiwasan ang disconnection at karagdagang bayarin.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Noemi Valdez, Branch Office Supervisor ng ISELCO 1–Santiago Branch Office, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagbabayad ng kuryente sa tamang oras, lalo na ngayong nararanasan ang mainit na panahon.

‎Ayon kay Valdez, dapat unahin ng mga konsyumer ang pagbabayad ng kanilang electric bill dahil mahalaga ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa pang-araw-araw na pamumuhay.

‎Ipinaliwanag din niya na ang hindi pagbabayad sa takdang oras ay maaaring magresulta sa pagkaputol ng serbisyo, na magdudulot ng abala sa mga residente.

‎Bukod dito, sinabi niyang may karagdagang bayad na ₱80 para sa reconnection ng kuryente sa mga residential consumers, na maaari sanang maiwasan kung maagap ang pagbabayad.

‎Dahil dito, muling nanawagan ang ISELCO 1 sa publiko na maging disiplinado sa pagbabayad upang makaiwas sa abala at dagdag gastusin.